Friday, January 31, 2025

SURING AKLAT: HELL UNIVERSITY



I. Panimula

   A.Pamagat

     Ang pamagat ng librong aking binasa ay Hell University na isinulat ni KnightInBlack. Para sa akin, naging Hell University ang pamagat ng librong ito dahil ang unibersidad na ito ay maraming mga nakatagong sikreto, ang mga sikretong ito ay kailangang alamin ng mga tauhan dahil kung ang mga sikretong ito’y makukuha sa iba hindi nila malalaman ang totoong kwento dahil laging may kulang sa lahat ng kanilang nalalaman.

     Ang unibersidad pa na ito ay maraming kaganapan gaya ng patayan at pagiging traydor ng mga guro at estudyante. Sa kwentong ito nabasa ko ang mga pinagdaanan ng mga tauhan sa loob ng unibersidad na ito, nakakatakot ang mga nangyari sa kanila at sinubok nito ang pagtitiwala nila sa bawat isa. Kaya masasabi ko na ang pamagat ng kwentong ito ay naayon dahil ang kanilang paaralan ay mala impyerno sa dami ng kasamaang naganap dito.

B. Uri ng panitikan at genre 

     Ang librong Hell University ay isang nobela, sapagkat ang mga tauhan, lugar at mga pangyayari sa kwento ay kathang-isip lamang at higit sa lahat binubuo ito ng maraming kabanata. Ang genre naman ng librong ito ay thriller/mystery dahil sa kwentong ito ay mapapaisip ka talaga sa susunod na mangyayari dahil napakaraming misteryo ang nangyari sa kwentong ito. Dahil sa mga misteryong nakatago sa kwento ay mas maeenganyo ang mga mambabasa na tukuyin kung ano nga ba ang mga ang dapat nilang matuklasan sa patuloy nilang pagbasa ng librong ito. 

C. Pagpapakilala sa may akda 

    Ang sumulat ng librong aking binabasa ay kilala bilang si KnightInBlack ang kaniyang pangalan ay isa lamang pen name, siya ay ipinanganak noong 1998. Siya ay isang lalaki na kadalasang nagtatago sa likod ng maskara, hindi dahil gusto niyang maging misteryoso ngunit dahil ito lang ang tanging paraan niya na kahit papaano ay ihiwalay ang kanyang mundo ng pagsulat sa kanyang personal na buhay. Siya ay isang manunulat na aktibo sa mga online writing platform, tulad ng Wattpad. Kilala siya sa kanyang mga akdang may temang romansa, fantasy, at mga kuwento ng kababalaghan. Nagsimula siyang sulatin ang kaniyang unang kwento, ang hell university sa edad na sa 17. Mula noon, nakapag-publish na siya ng 8 libro, kabilang ang 2 self-published na mga gawa. Ang estilo ng kaniyang pagsulat ay kadalasang tumatalakay sa mga emosyonal na karanasan, paghihirap, at pakikipagsapalaran ng mga tauhan sa mga di-pangkaraniwang sitwasyon.   

  II.    Pagsusuring Pangnilalaman

 A. Tema/Paksa 

    Ang tema o paksa ng librong ito ay pagbabago dahil sa mga nangyari sa kwento ang mga tauhan ay nagkaroon ng pagbabago sa kanilang buhay at pag-iisip, dala ng marami ang pagsubok na kanilang pinagdaanan sa loob ng paaralan. Sa kwentong ito ay binago din ng pagsubok ang sukat ng pagtitiwala ng mga tauhan sa isa’t isa. Madaming nagbago sa lahat ng bagay simula ng pumasok ang mga karakter sa loob ng paaralang Hell University at ang lahat ng nangyaring ito ay nagsilbing aral sa kanila.


B. Mga Tauhan, Tagpuan, Panahon

Mga Tauhan:

a. Zein Shion (Zein) -  Siya ang isa sa pangunahing tauhan at naging sekretarya ng SSG. 

b. Ace Craige (Supremo/Ace) - Kilala siya ng karamihan dahil siya ang presidente ng student council.

c. Matt, Jerome, Dave, Mia, at Vanessa - Sila ang mga kaibigan ni Zein na kasama niya sa pagpasok sa Hell University.

d. Madam Violet - Siya ang headmistress ng Hell University.

e. Nurse Cha - Siya ang madalas na tumulong sa mga kaibigan ni Zein kapag sila ay may karamdaman.

f. Onel Ty - Siya naman ang vice president ng Student Council.

g. Raze Silvenia - Siya ay lider ng Devil God Warrior.

h. Nazzer Lumia - Siya ang lider ng Black Blood Gang. 

                      

Mga Tagpuan:                         

a. Hell University - Ito ay misteryosong paaralan sa gitna ng kagubatan kung saan ay legal ang pagpatay.

b. Dormitory - Dito tumutuloy ang mga estudyante na nag-aaral sa Hell University.

c. Cafeteria - Dito nagkikita-kita ang magkakaibigan upang kumain at para kamustahin ang isa’t isa.

d. Gymnasium - Dito tinitipon ni Madam Violet ang lahat ng mag-aaral kapag mayroon siyang mahalagang sasabihin.

e. SSG Office - Dito nagkakaroon ng pagtitipon ang mga kasapi ng Student Council.


Panahon:

     Ang kwento ay naganap sa panahon ng pasukan ng mga mag-aaral ng senior high school. Kung saan nag enroll ang magkakaibigang sina Zein, Vanessa, Mia, Jerome, David at Matt. Hindi naging masaya ang kanilang unang araw ng pagpasok sa paaralang ito, dahil mas nangibabaw ang kuryosidad nila dahil sa pagtingin ng masama sa kanila ng mga estudyante rito.  Maraming pagsubok ang pinagdaanan nila sa paaralang ito at ang mga yon ay nagsilbing aral sa kanilang lahat.

 

C. Estilo ng pagkakasulat ng may akda 

     Ang estilo ng pagkakasulat ng may akda ay pasalaysay, dahil sa pamamagitan ng paggamit sa iba't-ibang salita at paglalarawan ay mas madaling naiisip ng mga mambabasa ang mga pangyayaring nagaganap sa kwento. Ang uri ng wikang ginamit naman ay ang di-pormal na mga salita. Dahil sa aklat ay makikita natin iba-iba ang mga terminolohiyang ginamit ng may akda at hindi malalalim ang mga salita ang ginamit dito kaya naman mas madaling maintindihan ng mga mambabasa kung ano nga ba ang nais iparating sa atin ng nobelang ito.

III. Pagsusuring Pangkaisipan

 A. Kakintalan/Kaisipan 

     Ang masasabi kong aral sa librong ito ay dapat hindi tayo naniniwala agad sa ibang tao. Dahil gaya ng nangyari sa mga tauhan sila ay biktima ng mga kasinungalingan at karamihan sa nakikilala nilang estudyante at guro ay may mga balak na gawing masama sa kanila. Kaya naman nararapat na kilalanin muna natin ang isang tao bago natin ibigay ang buong tiwala natin sa kanila, sapagkat ang mga taong ating nakikilala ay hindi natin alam kung sila ba ay makakabuti o makakasama sa ating buhay.

     Isa pang aral na nakita ko ay huwag tayong basta magtanim ng sama ng loob sa isang taong naglilihim ng sikreto sa atin. Tulad ng nangyari sa kwento na dahil sa pagtataguan ng sikreto ay muntik na mawalan ng tiwala si Zein sa kaniyang mga kaibigan. Lagi dapat nating isipin na hindi agad dapat natin pag-iisipan ng masama ang isang taong may sikreto sa atin, ang dapat nating gawin ay alamin kung ano nga ba ang dahilan ng paglilihim nila at unawain natin ang sasabihin nila pagkatapos ay tsaka tayo gumawa ng mga hakbang upang magkaroon ng solusyon ang mga bagay na hindi pagkakaunawaan.


B. Kulturang masasalamin 

     Katulad ng mga tauhan sa kwento ang bawat isa sakanila ay may sari-sariling problemang kinakaharap, ngunit mas pinili pa rin nila ang pagtutulungan upang mapadali ang paghahanap ng mga solusyon sa kanilang problema at hinidi rin nila kinakalimutan ang pagiging masiyahin kahit na madami silang problema. Kaya naman ang masasabi kong kulturang masasalamin sa akdang ito ay tulad nating mga Pilipino ay hindi mawawala ang pagtulong ng bawat isa lalo na sa ating pamilya, kaibigan o kakilala. Kahit gaano man kalaki o kaliit ang ating tulong na natanggap ay nagagawa pa rin nating magpasalamat sa isa’t isa. Isa pa rito ay ang pagiging masayahin ng ating kapwa Pilipino na kahit ano mang problema ang dumaan sa ating buhay ay hindi pa rin natin makakalimutan na ngumiti kahit na saglit lamang.


IV. Lagom

     Sa gitna ng kawalan, isang grupo ng anim na magkakaibigan ang napadpad sa misteryosong paaralan na nakatago sa mundo. Dahil sa kanilang kuryosidad ay pumasok sila sa loob ng paaralan, sinalubong sila ng head administrator at ikinagulat ng magkakaibigan ang sinabi nito na walang bayad ang paaralang ito at ang lahat ay libre. Ang lahat ng tao dito’y malayang gawin ang kanilang gusto.

 Ang paaralang ito ay may isang pinagbabatayan na panuntunan ito ay ang “Once you enter, there’s no turning back!”. Dahil pinasok ng magkakaibigan ang lugar na ito ay wala na silang nagawa kundi ang lumaban para sa kanilang buhay at upang alamin kung ano nga ba ang mga misteryong nakatago sa pamamagitan ng kanilang paraan.

V. Reaksyon at Mungkahi

     Ang aking libro ay nahati sa dalawang bahagi kaya naman ang aking bibigyang reaksyon ay ang unang bahagi lamang. At bilang isang first-timer sa pagbasa ng mga ganitong uri ng libro ay masasabi ko na maganda naman ang takbo ng kwento dahil may mga misteryosong pangyayari na agad na naganap sa iilang kabanata ng unang libro. Ngunit hindi ko pa masabi kung maganda nga ba ang kabuohan ng kwento dahil ang book 1 pa lang ang aking nababasa, umaasa ako na maging mas maganda at maging kapanapanabik pa ang mangyari sa ikalawang bahagi ng libro. Ang aking mungkahi naman para sa manunulat na si KnightInBlack ay sana sa susunod na pag publish niya ng kaniyang mga libro ay hindi na sana masyado magkaroon ng grammatical error at typos ang niyang gawang kwento. Sana din ay ipagpatuloy niya ang pagsulat ng mga kwento o nobelang katulad ng Hell University.


SURING AKLAT: HELL UNIVERSITY

I. Panimula    A.Pamagat      Ang pamagat ng librong aking binasa ay Hell University na isinulat ni KnightInBlack. Para sa akin, naging Hel...