Ang Bawat Bagay ay Nakaayon
Bilang isang mag-aaral masasabi ko na minsan ay may mga bagay na kahit anong pilit ko ay hindi ko makuha. Hindi lamang sa pag-aaral kundi pati na rin sa ibang mga bagay sa aking buhay. Noong ako'y bata pa nais kong magkaroon ng mga magagandang gamit gaya ng ibang mga bata ngunit dahil sa hirap ng buhay hindi ko nakuha ang aking gusto, nakakalungkot mang isipin ngunit wala akong magagawa kundi ang tanggapin na lamang at magpasalamat sa mga bagay na mayroon ako.
Kaya naman ang kasabihang "Kung hindi ukol, hindi bubukol" ay nagsasabi sa atin na kung may nais tayong isang bagay na maabot o makuha, mayroong mga pagkakataon na hindi natin ito makakamtan, sapagkat ang bagay na ito ay maaaring hindi nakalaan para sa atin. Libre lang ang mangarap ngunit hindi pwede na isisi natin sa iba ang mga bagay na hindi natin kayang makuha. Alam nating lahat na ang mga bagay na nangyayari sa ating buhay ay may rason kung kaya't nararapat na tanggapin na lamang natin na ang ibang ating gusto ay hindi natin maaabot, sapagkat ang mga ito'y hindi nakatakda para sa atin.
Kung hindi man natin nakuha ang ating mga ninanais hindi ibig sabihin nito na wala ng halaga ang ating buhay. Libre lang naman sumubok ng ibang bagay, malay natin may mas malaki o mas maganda pa palang bagay ang nakatakda para saatin. Gaano man kalaki o kaliit ang natatanggap mas mabuti na tayo ay magpasalamat sa biyayang ating natanggap at tanggapin natin ito ng buong puso.
No comments:
Post a Comment