Saturday, December 28, 2024

SULATIN #6

 

Ang Bawat Hakbang ay Pagsubok


    Ang aking nabunot na kasabihan ay Ang buhay ay parang saranggola kailangang hawakan ng maayos para hindi hindi lumipad kung saan-saan.  Sa kasabihang ito ang saranggola ay sumisimbolo sa mga pangarap at ang hangin naman ay sumisimbolo sa mga pagsubok na ating kakaharapin sa pag-abot ng ating mga pangarap. Alam kong hindi lamang ako ang may mga pagsubok sa buhay ngunit pati ang ibang tao ay nakakaranas ng mga pagsubok bago maabot ang kanilang mga pangarap.


    Kahit ako'y isang mag-aaral pa lamang marami na din akong pagsubok na napagdaanan. Isa sa mga pagsubok na ito  ay ang pagpili ko ng strand sa Senior High School, hindi madali ito para sa akin dahil hindi ko maiiwasan ang makaramdam ng pressure mula sa aking pamilya. Nahirapan ako dahil iba ang gusto nilang pangarap para saakin habang ako sa sarili ko alam kong iba  ang gusto ko, dahil ang gusto ko ay maging isang guro kaya dapat HUMSS ang aking pinili ngunit ang nais ng aking mga magulang ay ako'y maging isang engineer kaya mas pinili ko na lamang ang maging STEM student. Hindi ko maiwasang mangamba na baka hindi ko  kaya makipagsabayan sa iba, na baka mababa ang mga marka na makuha ko dahil hindi ko naman hilig ang Math at Science. Ako ngayon ay masaya kahit papaano dahil nakakakuha naman ako ng mga pasadong marka sa lahat ng asignatura at ang gagawin ko na lamang ay i-enjoy ang aking buhay bilang isang mag-aaral at dapat ay pagbutihan ko pa ang aking pag-aaral. 


    Sa buhay hindi mawawala ang mga pagsubok, kahit gaano man kalaki o kaliit ang mga pagsubok ito ay laging mayroong solusyon. Hindi dapat nating gawing hadlang ang mga pagsubok upang sukuan natin ang ating mga pangarap bagkus gawin pa natin itong inspirasyon upang mas maging matatag tayo sa pag-abot ng ating mga pangarap.


SULATIN #5


Ang Bawat Bagay ay Nakaayon

    Bilang isang mag-aaral masasabi ko na minsan ay may mga bagay na kahit anong pilit ko ay hindi ko makuha. Hindi lamang sa pag-aaral kundi pati na rin sa ibang mga bagay sa aking buhay. Noong ako'y bata pa nais kong magkaroon ng mga magagandang gamit gaya ng ibang mga bata ngunit dahil sa hirap ng buhay hindi ko nakuha ang aking gusto, nakakalungkot mang isipin ngunit wala akong magagawa kundi ang tanggapin na lamang  at magpasalamat sa mga bagay na mayroon ako.

    Kaya naman ang kasabihang "Kung hindi ukol, hindi bubukol"  ay nagsasabi sa atin na kung may nais tayong isang bagay na  maabot o makuha, mayroong mga pagkakataon na hindi natin ito makakamtan, sapagkat ang bagay na ito ay maaaring hindi nakalaan para sa atin. Libre lang ang mangarap ngunit hindi pwede na isisi natin sa iba ang mga bagay na hindi natin kayang makuha. Alam nating lahat na ang mga bagay na nangyayari sa ating buhay ay may rason kung kaya't nararapat na tanggapin na lamang natin na ang ibang ating gusto ay hindi natin maaabot, sapagkat ang mga ito'y hindi nakatakda para sa atin.

    Kung hindi man natin nakuha ang ating mga ninanais hindi ibig sabihin nito na wala ng halaga ang ating buhay. Libre lang naman sumubok ng ibang bagay, malay natin may mas malaki o mas maganda pa palang bagay ang nakatakda para saatin. Gaano man kalaki o kaliit ang natatanggap mas mabuti na tayo ay magpasalamat sa biyayang ating natanggap at tanggapin natin ito ng buong puso.


SULATIN #4



Hiraya Manawari


    Noong ako'y bata pa nangangarap ako na sana ay kasinggaling ko ang aking mga kaklase, ngunit sa totoo lang hanggang ngayon nangangarap pa rin ako, subalit ano nga ba ang aking magagawa? wala naman, kaya ang iisipin ko na lamang ay kahit hindi man ako kasinggaling nila ay kailangan ko parin magtiwala sa aking sariling kakayahan. Ang mga kakayahan kong ito ang paraan sa pagkamit ng aking mga ninanais sa buhay.


    Sa pagtungtong ko ng Junior High School, nakikita ko na parang masaya pala maging guro, kaya aking napagtanto na sa hinaharap ay gusto ko rin maging isang guro ito ay dahil gusto ko makihalubilo sa mga bata at syempre nais kong maibahagi sa ibang mga bata ang aking mga natutunan sa aking pag-aaral at sa aking buhay. Kung sakali man na magiging guro ako balang araw ay nais ko rin iparamdam at ipaalam sa kabataan ang kahalagahan ng pag-aaral. Pagkatapos ng aking pag-aaral ay maghahanap ako ng maayos na trabaho upang matulungan ang aking mga magulang at kapatid.


    Ngayon ako ay isang mag-aaral sa Senior High School, kailangan ko na pagbutihan ang aking pag-aaral ko sa ngayon upang makapasok ako sa magandang unibersidad pag tungtong ko ng kolehiyo. Alam ko na maaabot ko lamang ang aking mga pangarap kung ito'y aking pagsisikapan, kaya naman gagamitin ko ang aking mga kakayahan upang malampasan ko ang lahat ng mga pagsubok na magiging hadlang sa pagkamit ng aking mga pangarap. Gagawin ko ang aking makakaya upang magkaroon ako ng maganda at masaganang buhay sa hinaharap.





SULATIN #3

 

Bawat Pagkakamali ay Aral



    Sa awiting "Anak" ipinapahiwatig rito ang pagmamahal ng magulang sa kanilang anak. May isang bata na isinilang sa mahirap na pamilya, kahit na sila ay mahirap ang kaniyang mga magulang ay masaya simula pa lamang na isinilang ang kanilang anak. Lahat ng kanilang makakaya ay ginawa nila upang maging maayos at maging masaya ang kanilang anak.

    Sa paglaki ng kanilang anak napansin nila na nagbago ang pag-uugali nito. Naging matigas ang puso nito at laging sinusuway ang payo ng kaniyang mga magulang. Dumating ang araw na napariwara ang buhay ng kanilang anak at ito'y nalulong pa sa masamang bisyo. Labis na nasaktan ang kaniyang ina at napatanong siya sa kaniyang anak na kung bakit siya'y nagkaganyan.
    
    Sa bandang huli, bigla na lamang lumuha ang kaniyang anak at naisip niya na sobrang laki pala ng kaniyang pagkakamali. Pinagsisihan niya ang kaniyang mga maling desisyon at napagtanto na kailangan niyang magbago. Ang awiting ito ay nagsasabi sa atin na dapat nating sundin ang payo ng ating mga magulang dahil sila ang gagabay sa atin patungo sa maayos na landas.


SULATIN #2

 

Kilalanin mo Ako!


    

    Nais kong ipakilala sainyo si Rana, ang kaniyang buong pangalan ay Rana Rose R. Lim ipinanganak noong Oktubre 30, 2008, siya ay panganay sa apat na magkakapatid. Siya ay nagmula sa simpleng pamilya, pamilyang kagaya ng iba na mayroong problema, kulitan at kasiyahan. Si Rana  ay  isang batang masiyahin, madaldal at palakaibigan. Isa rin siyang batang maraming pangarap, syempre sino nga bang bata ang walang pangarap sa buhay. Ang hilig niyang gawin ay ang pakikinig sa musika at pagkanta. 


    Gaya ng sinabi ko hilig niya ang pagkanta kaya naman ang talento nito ay ang pag-awit, bata pa lamang ito ay kitang-kita mo sa kaniyang mga mata ang kasiyahan habang siya ay umaawit, hanggang sa kasalukuyan ay ito pa rin ang hilig niyang gawin dahil masaya siya kapag siya ay umaawit. Sa pag-aaral naman masasabi kong siya'y hindi kasinggaling o kasingtalino ng ibang mga bata, siya ay isang bata lamang na nagsisikap upang maging kasinggaling ng ibang mga bata. Simula elementarya madalang na siya ay makatanggap ng mga awards minsan ay may mga pagkakataon na hindi niya maiwasan na tanungin ang kaniyang sarili na "bakit hindi ako kasinggaling niya?" , "kaya ko din ba yung ginagawa nila?". Dati ay ganiyan ang laman ng kaniyang isipan ngunit ngayon, ang masasabi ko na lang ay malaki ang pinagbago ng batang ito dahil sa pagtungtong ng high school mas naging mahusay siya sa kaniyang pag-aaral, lagi na siyang nakakatanggap ng mga sertipiko at medalya. Siya ay masaya dahil kahit papaano ay naisip niya na kaya niya rin pala gawin ang mga bagay na nagagawa ng ibang mga bata.  Ang nais niya sa buhay ay maging masaya lamang kasabay nito ang pag-abot ng kaniyang mga pangarap.


    Muli siya ay si Rana at masaya akong maipakilala siya sa inyong lahat. Ang mensahe ko para sakaniya ay sana ipagpatuloy niya ang pagiging isang mabuting bata at kung ano man ang kaniyang mga napagdaanan sa buhay ay sana'y naging aral ang mga ito sakaniya. Pagsikapan pa sana niya lalo ang kaniyang pag-aaral upang matupad niya ang kaniyang mga pangarap.

SULATIN #1

 

Papel ng Isang Tulad ko


    "Anong layunin?", " Bakit nga ba kailangan kong tapusin ang aking pag-aaral?" Ilan lamang yan sa mga tanong na madalas pumasok sa aking isipan. Ako'y isang batang may pangarap, mga pangarap na kailangang pagsikapan, mga pangarap na...oo alam ko mahirap nga itong abutin, pero wala akong magagawa alam ko kasi na kahit anong hirap pa ang aking pagdaanan ang magiging magandang  bunga nito ay para rin sa akin at sa aking pamilya. Ang edukasyon ay isa sa magiging susi sa pagkamit ng tagumpay, bakit? dahil ang edukasyon ang magbibigay saakin ng mga kaalamang magagamit ko sa pag pag-abot ng mga pangarap at makakatulong ito upang mapaunlad ang aking sarili. 


    Ipapakilala ko ang aking sarili, ang masasabi ko ako ay hindi gaanong matalino pero patuloy akong lumalaban para makapagtapos ng pag-aaral, dahil naniniwala ako na hindi naman sukatan ang talino para masabi mo kung ikaw ay may mararating sa buhay o wala. Tayo ay nag-aaral para magkaroon tayo kaalaman, kaalaman na magagamit natin upang paunlarin ang ating sarili patungo sa maayos na bersyon ng ating buhay. Uulitin ko ang tanong ko sa aking sarili  "Bakit nga ba kailangan kong tapusin ang aking pag-aaral?". Marami akong dahilan pero babanggitin ko na lamang ang ilan,  una sa lahat ay nais kong suklian ang paghihirap na sinakripisyo ng aking mga magulang  upang ako'y mapag-aral, nais ko silang mabigyan ng maayos na buhay, ikalawa ay nais ko din na mabigyan ng magandang buhay ang aking sarili. Siguro'y isasama ko na din na ibig kong ipakita sa mga may matang mapanghusga na sa kahit anong hirap ng aming buhay ay makikita nila ang ako sa hinaharap ay nakapagtapos na ng pag-aaral.


    Alam kong marami pang taon bago matapos ang aking pag-aaral pero parang mabilis lang din lumipas ang mga taon,  parang kailan lang ay nasa kindergarten pa lamang ako pero ngayon ako ay isang mag-aaral mula sa Mataas na Paaralan ng Sta. Lucia kasalukuyang nasa Senior High School.  Malayo na ang aking nilakbay at hindi pa rito natatapos ang lahat ng iyon, mas malayo pa ang dapat kong lakbayin at mas marami pa akong matututunan sa aking mga karanasan.



SURING AKLAT: HELL UNIVERSITY

I. Panimula    A.Pamagat      Ang pamagat ng librong aking binasa ay Hell University na isinulat ni KnightInBlack. Para sa akin, naging Hel...